Sunday, January 4, 2009

A B N K K B S N P L A K o


A B N K K B S N P L A K o
ni Bob Ong

Unang librong isinulat ni Bob Ong, ang kinikilalang boses ng kabataan ngayon. Mula sa mga webpages ng internet sa pagsusulat ng mga astig na komentaryo sa mga maling ugaling pinoy ay nagawa nyang tumawid sa mga pahina ng aklat. Sa ganitong aspeto maaari nating sabihin na naiugnay nya ang makalumang libangan (aklat) sa modernong teknolohiya (internet).

Sa kanyang unang aklat ipinakilala nya sa atin ang kanyang tunay na sarili. Kwentong chalk – mga karanasan sa loob ng eskwela. Habang binabasa mo ang aklat, tinitiyak kong di mo maiwasang isipin ang sarili mong karanasan noong nagaaral ka. Kung sa pampublikong paaralan ka galing, malamang na mas hawig ang kwento mo sa binabasa mo. Isang obserbasyon: Habang nakikilala mo ang may akda, unti-unti mo ring kinikilala muli ang sarili mo. Gaano ka nab a kalayo ngayon sa batang kumakain ng nutribun tuwing recess, o sa mag-aaral na lagging may baong dahilan sa tuwing hinahanapan ng asaynment? Lumaki ka at tumanda. Sa pagitan ng mga taon, ano na ba ang natutunan mo? Minsan mo na ring naitanong yan sa sarili mo, pero sa pagdaan ng panahon ay maaaring kinalimutan mo nang sagutin, o naisip mong hindi naman yun mahalaga.

Pero heto ka ngayon hawak ang isang librong kanina lang ay pinapatawa ka. Nakakatawa ngang isipin, kung kelan natuyo na ang mga taghiyawat mo na nagpapaalala sa iyo sa lihim mong crush nung hayskul ay saka naman may nagtangkang magsulat tungkol dito.

Nabasa ko ang aklat na ito nang panahong nagrerebelde ako, pilit kong kinikilala ang sarili ko. Aminin ko man o hindi, natulungan ako ng libro para hindi tuluyang mapariwara. Nang mga panahong iyon, di k oman nasagot ang sarili kong tanong kung ano talaga ang gusto ko, nadiskubre ko naman kung ano ba ang ayaw ko. Ayaw kong biguin ang mga magulang ko. Maaaring mas matindi ang epekto sa akin ng aklat dahil parehong guro ang magulang ko.

Totoong alam ko ang hirap na inaranas ng mga guro sa araw araw na pakikipagbuno sa mga estudyante, pero noon lang sumagi sa isip ko na maaaring napapagod din sila. Dahil kahit minsan, hindi ko nakitang nagreklamo ang mga magulang ko sa propesyong pinasok nila. Inisip ko noon na bawat estudyante nila ay kakumpetensya ko atensyong maibibigay nila. Siguro nga. Pero dapt kong ipagmalaki na minsan, sa buhay ng mga estudante ay nagging parte ang mga magulang ko sa karunungang dala nila ngayon.

Di ko rin maiwasang ihambing ang karanasan ni Bob Ong sa nakatatanda kong kapatid. Honor student noong elementary, valedictorian noong hayskul, humakot sya ng napakaraming medalya na ngayon ay nakatago sa dalawang kahon ng sapatos (hindi kasya kung ididispley sa buong bahay). Pagtungtong niya ng kolehiyo marami ang nakakasigurado na ng tagumpay nya sa napiling larangan. Sa awa ng Diyos, nakapagtapos siya ng kolehiyo walong taon pagkagradweyt nya sa hayskul.
Hindi siya huminto sa pag-aaral, bawat semestre ay nagtutungo siya sa paaralan para mag-enrol. Anong nangyari? Malamang hindi niya kinaya ang presyur ng mga matang nakamatyag sa kanya. Kahit siguro sino sa atin, ayaw nating maikahon sa paniniwala ng ibang tao tungkol sa atin. Hindi sila ang akapagsasabi kung sino o ano ba talaga tayo bilang tao. Hindi dahil sa bobo ka ay wala kang pagasang umasenso, o sa kaso ng kuya ko, hindi dahil matalino ka ay magtatagumpay ka. Wala siyang naging bisyo, pero masasabi kong nawala siya sa huwisyo. Nagtagumpay siyang kumawala sa kahong inagsidlan sa kanya, para lamang biguin ang mga taong umaasa sa kanya. Hindi kami mayaman, kaya nakapanghihinayang ang perang nawaldas na ginugol sa loob ng mall at liwasan imbes na sa eskwelahan. Ngunit gaya ni Bob Ong, nahanap nya rin ang tamang landas at nalutas ang problemang siya rin ang may gawa.

Sabi nila, “we learn best from our mistakes”. Sa kaso ko, mas natuto ako sa pagkakamali ng iba. Hindi ko masisi ang kuya ko kung ginusto niyang kumawala sa kahon, ako man ay pilit na isinilid ng iba. Sa tuwing unang araw ng pasukan ay normal nang itanong sa akin, “kapatid mo yung valedictorian?” o “nanay mo yung math teacher dito?” na para bang kilala na nila ang buong pagkatao ko pag nasagot ko ang tanong nila.

Magandang malaman na hindi ka nagiisa sa pagharap sa hamon ng buhay, at ito ang ipinamulat sa akin ng berdeng libro. Ibang sitwasyon, pero parehong karanasan. Ang hirap na dinaranas mo ngayon ay napagdaanan na ng iba. Hindi ka nagiisa. Mabigo ka man, matututunan mong bumangon, alang alang sa sarili mo at sa sa mga taong nagtitiwala sa iyo.

“...hindi pala exam na may passing rate ang buhay. Hindi ito multiple choice, identification, true or false, enumeration o fill in the blanks na sinasagutan, kundi essay na isinusulat araw araw. Huhusgahan ito hindi base kung tama o mali ang sagot, kundi base kung may kabuluhan ang mga naisulat o wala. ALLOWED ANG ERASURES.”
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...